Home > News > Impormasyon sa Bakuna

Impormasyon sa Bakuna

March 04, 2021

Alamin ang totoong impormasyon sa bakuna laban sa Coivd-19:

 

      1.       Paano nilalabanan ng bakuna ang sakit?

Ginagaya ng bakuna ang virus o bacteria na nagdudulot ng sakit at naghuhudyat ng paggawa ng katawan ng antibody. Ang mga antibody ang siyang magbibigay proteksyon sa pagkakataong mahawa ng aktwal na virus o bacteria na nagdudulot ng sakit.

      2.       Ano ang maaaring side effects matapos magpabakuna?

Maaaring   makaramdam ng pananakit, pamumula, pangangati o pamamaga sa parteng binakunahan na maaaring magtagal ng ilang oras; lagnat, panghihina ng     katawan, pananakit ng ulo, pagkahilo, pagtatae, o pagduduwal. Agad na sumangguni sa isang healthcare professional kung makaranas ng alinman dito.

      3.       Kailangan bang magpabakuna ang lahat?

Hindi sapilitan ang pagbabakuna ngunit hinihikayat ng gobyerno na magpabakuna ang publiko para maprotektahan mula sa sakit na maaari namang maiwasan.

      4.       Bakit kailangang magpabakuna kontra sa COVID-19?

Sa pagsunod sa minimum public health standards at pagpapabakuna ay maaaring maiwasan o mabawasan ang patuloy na pagdami o paglaganap ng COVID-19.

      5.       Kailan magkakaroon ng bakuna para sa COVID-19?

Ang gobyerno ay kasalukuyang nakikipagnegosasyon sa mga gumagawa ng bakuna. Inaasahang darating ang unang supply ng bakuna sa unang sangkapat (1st Quarter) ng 2021.

      6.       Sino ang unang mabibigyan ng bakuna?

Bibigyang prayoridad ng gobyerno ang mga frontline health workers, senior citizens, indigent population, at uniformed personnel para sa bakuna.

      7.       Bakit sila ang binibigyang prayoridad para sa bakuna?

Dala ng limitadong supply ng bakuna, binigyang prayoridad ang mga frontline health workers at uniformed personnel upang mabigyang proteksyon ang mga nasa linya ng trabahong mataas ang posibleng exposure sa virus at mapagpatuloy gampanan ang kanilang responsibilidad sa publiko at pribadong sektor. Uunahin ding bakunahan ang mga senior citizens at indigent population dahil sila ay higit na apektado kung magkakaroon ng malubhang COVID-19.

      8.       Libre ba ang bakuna para sa mga prayoridad na grupo?

Ang gobyerno ang sasagot sa bayad para sa ating mga kababayan na kabilang sa mga prayoridad na grupo.

      9.       Kung hindi ako kasama sa prayoridad na mga grupo, paano ako makakakuha ng bakuna?

Patuloy ang pakikipag-negosasyon ng gobyerno para masiguro ang sapat na supply para sa lahat ng Pilipino, kabilang ang mga nasama sa prayoridad na mga grupo.

     10.   Ligtas at epektibo ba ang bakuna sa COVID-19?

Oo, sinisigurado ng Food and Drug Administration (FDA) na tanging ang mga bakunang may Emergency Use Authorization (EUA) o full approval ay garantisadong ligtas at epektibo laban sa pagkakaroon ng malubhang COVID-19.

     11.   May panganib ba ng Komplikasyon ang bakuna sa COVID-19?

Oo, tulad ng lahat ng ibang bakuna, may panganib o porsyento ng komplikasyon ngunit ang mga   malubha o mapanganib sa buhay na reaksyon ay bihirang bihira. Mas     matimbang ang proteksyon laban sa malubhang COVID-19 sa panganib o porsyentong nabanggit. Lahat ng   mababakunahan ay maayos na susuriin at susubaybayan ng maigi ng mga health professionals upang mabawasan pa ang panganib na dulot nito.

     12.   Ano ang maaaring magawa habang naghihintay sa paparating na bakuna?

Hinihikayat ang publiko na mas maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa internet. Ugaliing sumangguni at kumpirmahin ang bagong nakuhang impormasyon mula sa DOH Facebook page, DOH website, WHO website, at PIA website. Ipagpatuloy natin ang pagsunod sa minimum public health standards sa lahat ng pagkakataon upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

SOURCE: Department of Health